MANILA, Philippines - Limang pulis ang binigyan ng parangal kahapon sa Camp Crame kaugnay ng matagumpay na halalan nitong nakalipas na buwan.
Sa kahuli-hulihang command briefing ng PNP kay Pangulong Arroyo, iprinisinta ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa ang mga awardee na sina Deputy Director General Edgardo Acuna, pinuno ng National Task Force HOPE na tumanggap ng Medalya ng “Katangi-tanging Gawa”; PO1 Gemma Cervantes Garcia na binigyan ng “Medalya ng Kadakilaan’ dahil sa katapangan sa pagbibigay proteksyon sa PCOs machine at mga Board of Election Inspectors matapos na magkaroon ng barilan sa bisinidad ng polling center ang magkakalabang kampo ng mga kandidato noong Mayo 10 elections sa Talitay Elem. School sa Pikit, North Cotabato.
Pinarangalan din sina Senior Supt. Eddie Benigay, officer–in-charge, Masbate Police Provincial Office at Deputy Task Force Commander ng PNP Special Task Force Masbate at Sr. Supt. Victor Deona, Commander ng PNP Special Task Force Masbate na kapwa binigyan ng “Medalya ng Pambihirang Paglilingkod’ sa pagkakalansag ng mga Partisan Armed Groups (PAGs) sa naturang lalawigan.
Tumanggap rin ng “Medalya ng Pambihirang Paglilingkod” si Supt. Antonio Mendoza Jr., dahil sa husay ng liderato at dedikasyon bilang Provincial Director ng Basilan Provincial Police Office sa ginanap na automated polls sa lalawigan.
Binigyan naman ng special posthumous promotion si SPO2 Danilo Zuniga matapos na magbuwis ng buhay sa pagresponde sa barilan na naganap sa Rodriguez public market Brgy. San Jose, Rodriguez, Rizal noong Disyembre 31,2009.