MANILA, Philippines - Dinalaw ng pamilya Aquino sa pangunguna ni incoming President Benigno “Noynoy” Aquino III ang puntod ng kanilang magulang na sina dating Pangulong Cory Aquino at dating Sen. Ninoy Aquino Jr. sa Manila Memorial Park sa Parañaque City.
Kasama ni PNoy sa pagdalaw sa puntod ng kanilang magulang ang kanyang mga kapatid na si Ballsy, Pinky, Viel at Kris. Si Kris ang nanguna sa pagdarasal ng Holy Rosary.
Sinabi ni PNoy, humingi siya ng guidance sa kanyang mga magulang upang mahusay na mapatakbo ang pamumuno sa bansa sa pag-upo niya sa Malacanang sa Hulyo 1.
Ikinagulat din ng pamilya Aquino ng bumungad sa kanila ang bulaklak na padala ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na ipinadala kamakalawa sa puntod ng mag-asawang Aquino.
Sinabi pa ni Noynoy, sisimulan niyang pag-aralan ang sinasabi ni Pangulong Arroyo na may iiwan itong matatag na ekonomiya. Iginiit pa ni PNoy, wala pa siyang napipisil na papalit kay AFP chief of staff Delfin Bangit pero siniguro nitong mananatili si PNP Chief Director General Jesus Versoza hanggang sa retirement nito.