MANILA, Philippines - Binabalak ng Commission on Elections (Comelec) na humingi ng tulong sa ilang government agencies upang beripikahin kung tama o hindi ang nakasaad sa mga isinumiteng statement of contributions and expenditures sa poll body ng mga kandidato sa May 10 national and local elections.
Ito’y kasunod nang una nang pag-amin ng Comelec na mahihirapan silang tukuyin kung tama ang mga isinumiteng report ng mga kandidato sa mga natanggap nitong kontribusyon at mga pinagkagastusan sa kanilang kampanya.
Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, government agencies lamang ang maaari nilang payagang tumulong sa beripikasyon sa expenditure reports upang maiwasang malantad ang mga kandidato sa mga malisyosong report.
Aniya, plano nilang hingian ng tulong ang Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil sa anggulo ng buwis, gayundin ang Commission on Audit (COA) na maraming auditors.
Nabatid na maliban sa mga expenditure reports ng mga kandidato, plano rin ng Comelec na i-review ang mga ulat ng mga grupong Pera’t Pulitika at Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ).
Magugunita na itinakda ng Comelec noong Hunyo 9 ang deadline para sa pagsusumite ng mga kandidato ng statement of contributions and expenditures pero pinalawig ito hanggang Hunyo 24.