MANILA, Philippines - Hinimok kahapon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang taumbayan na iwasan na magtapon ng mga basura sa mga drainage upang hindi masayang ang proyekto ng pamahalaan kaugnay sa “flood control”.
Ayon kay DPWH NCR Director Engr. Edilberto Tayao, napaghandaan na nila ang pagdating ng “rainy season” sa pamamagitan ng pagsasaayos sa mga drainage at pagtaas ng mga kalsada partikular sa kahabaan ng España.
Nakatitiyak si Tayao na kung mga dalawang piye lamang ang itataas ng tubig kapag nagkaroon ng malakas na ulan ay madadaanan na ang España subalit kung umabot sa 1.2 meter ang dumating na tubig-baha, malamang na bumaha din sa lugar.
Napaka importante umano na matuto ang mamamayan na iayos ang pagtatapon ng basura dahil ito ang pinakamalaking problema kaya nagbabaha sa kalsada.
Aniya, kusang namamatay ang mga pambomba na nasa pumping station sa Quiapo kung puno na ng basura ang drainage dahil wala nang mahigop na tubig. Nakatakda na ring buksan ngayon sa motorista ang itinaas na kalsada sa España para sa mga papasok na estudyante.
Nabatid na sa mga nakalipas na panahon ay nagsilbing “catch basin” ng baha ang kalsada na nasa tapat ng University of Sto.Tomas, dahil iyong tubig sa Quezon City at iba pang kalye sa España. Nilinaw ni Tayao na hindi lamang kalsada ang kanilang itinaas kundi ginawa din nila ang mga drainage na siyang pinakaimportanteng aspeto ng proyekto.
Ang naturang proyekto sa rehabilitasyon ng España Boulevard ay ginastusan ng P36 milyon, kung saan nasa phase 1 pa lamang ang proyekto.