MANILA, Philippines - Wala ng aasahan pa at malabo na ang isang himala sa kapalaran ng napipinto ng tanggalin sa puwestong si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Delfin Bangit kaugnay ng pagpasok sa eksena ng bagong administrasyon ni president –elect Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III.
Ayon kay Defense Secretary Norberto Gonzales, dapat matanggap na ng maluwag sa kaniyang dibdib ni Bangit na ayaw talaga sa heneral ni Noynoy at habang maaga ay magdesisyon na ito ng kaniyang nararapat na gawin.
“Alam ko yung sakit na tumatama kay Gen. Bangit pero sabi ko sa kanya, that’s your job, that’s your job, that’s your career. Kung ayaw sa inyo ng darating na Commander in Chief, that’s the call you have to take. Kung hindi ka nila bibigyan ng dignidad, dignify yourself”, ani Gonzales.
Una rito, sinabi ni Noynoy na hindi si Bangit ang Chief of Staff sa ilalim ng kaniyang administrasyon at agaran niya itong papalitan sa puwesto matapos na makapili na ng isang heneral na kaniyang pagkakatiwalaan.
Inihalimbawa ng Defense Chief na tulad ng isang manliligaw, ay basted na si Bangit kaya dapat magdesisyon na rin itong umalis sa puwesto o ang tinatawag na ‘early retirement ‘.
“Kung ayaw sa’yo, alis ka na. Para lang yan sa nanliligaw, pag basted ka na, exit ka na. I don’t know how he will do it”, giit pa ni Gonzales.
Si Bangit, produkto ng Philippine Military Academy (PMA) Makatarungan Class 1978 ay nakatakdang magretiro sa Hulyo 31, 2011 pagsapit ng compulsory age retirement sa ika-56 nitong kaarawan.
Samantalang, dahilan ayaw rito ni Noynoy ay pinag-iisipan pa kung magreretiro ng maaga o isasalin ang kapangyarihan sa napipisil na ipalit sa kaniya ni Noynoy.