MANILA, Philippines - Aarangkada na ang ‘pilot testing ‘ sa kontrobersyal na ‘sex education ‘ sa mga estudyante sa mga paaralan sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Kasabay nito, inimbitahan ng Department of Education (DepEd) ang mga obispo ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) na bumisita sa mga paaralan upang personal na masaksihan ang ‘pilot testing’ para mapatunayan na walang masama sa kanilang ituturo sa ‘sex education.’
Sinabi ni Education Assistant Secretary Teresita Inciong na mas mainam kung personal na maoobserbahan ng mga kontra sa sex education kung papaano ang gagawing pagtuturo rito ng mga guro kahit ipinapaliwanag nila na puro magagandang aral lamang ang kanilang ituturo upang maging responsable ang mga mag-aaral.
Ginawa ng DepEd ang pahayag matapos hindi pa rin tumugon ang CBCP sa kanilang imbitasyon para sa isang pulong kaugnay sa isyu ng pagtuturo ng sex education sa mga paaralan.
Bukod naman sa CBCP, isa pang grupo na tumututol dito ang pro-life group na Philippines Foundation. Sinabi ng executive director na si Marisa Wasan na hindi pa umano handa ang mga guro para sa pagtuturo ng “sex education” na karamihan ay lumaki sa konserbatibong kapaligiran.
Hindi rin nito tanggap ang sinasabi ng DepEd na responsibilidad rin ng mga guro bilang pangalawang magulang ang pagtuturo ng sex education. Iginiit nito na pangunahing gawain ito ng mga tunay na magulang at hindi ang paaralan.