MANILA, Philippines - Umapela ang isang obispo sa papasok na administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino na ipatigil nito ang iba’t ibang uri ng sugal partikular ang operasyon ng jueteng sa mga lalawigan sa bansa.
Ayon kay Bangued Bishop Leopoldo Jaucian, kailangan na pagtuunan ng pansin ni Aquino ang malalang illegal numbers game na isa sa mga nagiging dahilan ng korupsiyon at katiwalian sa bansa.
Dapat ding tutukan ni Aquino ang mga jueteng lords na nananatiling mga ‘untouchables’ dahil na rin sa malaking halaga na ibinibigay ng mga ito sa ilang opisyal ng pamahalaan kapalit ang pananatili ng mga sugal.
Bagama’t aminado si Jaucian na imposibleng agad na matitigil ni Aquino ang mga illegal na sugal, umaasa naman siya na gagawa ng aksiyon ang administrasyon nito upang unti-unti itong masugpo lalo pa’t lumalakas ang mga operasyon nito.
Sinabi ni Jaucian na bigo ang mga nagdaang administrasyon na ipatigil ang operasyon ng jueteng kung kaya’t umaasa silang reresolbahin ito ni Aquino sa sandaling magsimula ang kanyang panunungkulan sa Malakanyang.
Giit naman ni retired Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz, namamayagpag ang operasyon ng jueteng sa bansa bunga na rin ng suporta ng pamahalaan.
Ayon kina Cruz at Jaucian sinasamantala ng mga gambling lords ang kahirapan at kahinaan ng tao habang patuloy naman sa pagyaman ang mga operators ng pasugalan.