MANILA, Philippines - Aabot sa 4,301 bakanteng posisyon sa gobyerno ang iiwan ni outgoing President Gloria Macapagal-Arroyo sa pagtatapos ng termino nito sa June 30.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ricardo Saludo, handa ang Arroyo government na ibigay ang datos ng mga bakanteng posisyon kay incoming President Benigno “Noynoy” Aquino III.
Ayon kay Sec. Saludo, hawak nila ang mga facts and figures na kakailanganin ng bagong administrasyon para sa pagsisimula ng kanilang pamamahala sa gobyerno.
Iginiit naman ni Saludo na kung may balak na sibakin ni Aquino ang mga Arroyo appointees ay dapat itong idaan sa legal at nararapat na proseso.
Wika pa ng Palace spokesman, kailangang maisaalang-alang ang tuloy-tuloy na serbisyo hanggang makaupo ang mga bagong opisyal ng Aquino administration.
“Working together for the good of all, let this be the spirit of our transition to a new government,” paliwanag pa ni Saludo.