MANILA, Philippines - Nilinaw kahapon ng Department of Justice (DoJ) na hindi pa tuluyang sarado ang kaso ng Ultra stampede kahit na inabswelto na ang main host ng “Wowowee” show na si Willie Revillame.
Ayon kay Chief State Prosecutor Claro Arellano, wala pang pinal na pasya ang korte sa usapin kaya mananatiling nakatutok sila sa lahat ng usapin ukol dito.
Matatandaang 70 katao ang namatay at ikinasugat ng 400 ang dapat sana ay pagsasaya ng libu-libong manonood ng “Wowowee” sa Philsports Stadium o mas kilala bilang Ultra noong Pebrero 2006.
Ayon kay Arellano, tanging si Revillame ang nakasaad sa petisyon ng mga complainant kaya siya lang ang naging ‘focal point’ ng inilabas na resolusyon ni DoJ Sec. Alberto Agra.
Siniguro naman ni Arellano na hindi nila pababayaan ang mga pamilya ng mga biktima hanggang sa makamit ng mga ito ang ganap na katarungan sa nabanggit na pangyayari.
Nauna nang ipinag-utos ni Justice Acting Secretary Alberto Agra si Arellano na alisin ang pangalan ni Revillame bilang respondent sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide and multiple serious physical injuries.
Sinabi ni Agra na walang dahilan para baguhin pa ang naunang desisyon ni dating Justice Secretary Raul Gonzalez.
Sa resolution ni Gonzalez ay ipinaliwanag nito na ang pag-imbita ni Revillame sa anniversary special ng show nito ay upang mag-promote lamang ng programa at hindi naman nito inakala na magkakaroon ng stampede.