Jailwarden pinagpapaliwanag sa 'party' ng mga Ampatuan

MANILA, Philippines - Hiniling ng prosekus­yon sa Quezon City Regional Trial Court na pagpaliwanagin nito si Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) warden Supt. Clement W. Laboy kaugnay ng napaulat na nagpa-party umano ang mga Ampatuan sa mismong piitan ng mga ito.

Sa kanilang isinumiteng ikatlong show cause motion noong Hun­yo 9, 2010, sinabi nitong dapat na pagpapaliwanagin ng korte si Supt. Laboy kung bakit hindi ito dapat ma-cite for contempt sa pagpayag na magsagawa ng party ang mga Ampatuan kahit na walang pahintulot sa sala ni QCRTC Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes.

Nais din ng prosekus­yon, sa pangunguna ni Assistant Chief State Prosecutor Richard Anthony D. Fadullon, na ilahad ni Supt. Laboy ang lahat ng kaganapan sa naturang kasiyahan.

Bukod dito, hinihiling din ng prosekusyon na ipakita ni Supt. Laboy ang certified true copy ng guidelines o rules ng Department of Interior and Local Government (DILG) at ng BJMP hinggil sa pagtanggap ng bisita, kamag-anak, abogado, manggagamot at nurses ng isang nakakulong sa halip na ipunto ang isinasaad ng mga tratado sa United Nations (UN).

Dapat din umanong maipaliwanag ni Supt. Laboy kung hanggang saan ang limitasyon ng mga pagdiriwang at kasiyahan sa loob ng piitan gayundin ang pamanta­yan sa pagpapahintulot ng warden para sa ganitong uri ng mga aktibidad.

Matatandaang noong Hunyo 8, 2010, napaulat ang diumano’y pagpapa-party nina Andal Ampatuan, Jr., Andal Ampatuan Sr., Zaldy Ampatuan, Akmad Ampatuan, Sajid Ampatuan at Anwar Ampatuan sa loob mismo ng kanilang piitan kahit na walang pahintulot mula sa korte.

Pangunahing suspect ang nabanggit na angkan sa pagkakapaslang sa may 57 katao na karamihan ay mamamahayag sa lalawigan ng Maguindanao.

Show comments