Dayuhang dumating sa bansa tumaas ng 11%
MANILA, Philippines - Tumaas ng 11 porsiyento ang bilang ng mga dayuhang dumarating sa bansa sa loob ng unang apat na buwan ngayon taon.
Base sa statistics na isinumite kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Marcelino Libanan ng mga opisyal nito mula sa ibat ibang international airports at seaports sa bansa, lumalabas na may kabuuang 1.081.794 milyon mga dayuhan ang dumating sa bansa simula Enero hanggang Abril kumpara sa 989,432 noong nakaraang taon na katulad na buwan.
Positibo namang tinanggap ni Libanan ang nasabing ulat dahil sa palatandaan umano ito ng magandang turismo sa bansa maging sa ekonomiya kasabay ng pangako na ipagpapatuloy pa nito ang BI modernization program sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at sa iba pang pangunahing subports sa buong bansa.
Sa ulat ni Immigration Regulation Division (IRD) Chief Alberto Braganza,naitala ang mataas na bilang ng mga dayuhan na dumarating sa bansa noong Marso na umabot sa 329,470 pasahero tumaas ng 12 porsiyento kumpara sa dumating noong nakaraang taon.
Tanging buwan lamang ng Pebrero naitala ang pagbaba ng limang porsiyento kumpara noong kaparehas ng buwan ng 2009.
Samantalang umabot naman sa 309,693 ang dumating na mga dayuhan noong Abril at Enero na 252,959 na parehong buwan na tumaas ng limang porsiyento kumpara sa katulad na buwan noong nakaraang taon.
- Latest
- Trending