Full operation ng LRT extension, administrasyon ni President Noynoy matatapos
MANILA, Philippines - Sa administrasyon na ni President-elect Noynoy Aquino matatapos ng kontraktor ng Light Rail Transit ang Line 1 extension nito mula Monumento sa Caloocan hanggang North Avenue sa Quezon City na dudugtong sa kasalukuyang Metro Rail Transit 3.
Ito naman ang kinumpirma ni LRT Authority general manager Mel Robles na sa term na ni Aquino mararanasan ng mga naghihintay na pasahero na makasakay ng diretso mula Baclaran station ng Line 1 hanggang North Avenue.
Kasalukuyang, ang Balintawak station pa lamang ang binuksan sa publiko ng LRTA habang patuloy pa ang konstruksyon nito dahil sa wala pang mga escalators at elevators.
Sa “timetable” ng LRTA, unang pinaplano na magkaroon ng “soft opening” nitong nakaraang Pebrero ngunit iniatras dahil sa kabagalan ng konstruksyon ng kontraktor nito.
Nakatakda rin sanang buksan nitong nakaraang Marso ang Roosevelt station ngunit hindi naisakatuparan.
Sa “project duration” ng proyekto, nag-umpisa ang kontruksyon nito noong Mayo 2007 at inaasahang matatapos ng Abril 2010.
Ngunit dahil sa mga nakaharap na problema sa konstruksyon, inaasahang sa kalagitnaan pa ng taon matatapos ang mga istasyon habang naka-iskedyul naman na matapos ang “common station” sa darating pang Nobyembre.
Nagkakahalaga ang naturang proyekto ng P7 bilyon na inaasahang maseserbisyuhan ang nasa 1.2 milyong mga pasahero.
- Latest
- Trending