MANILA, Philippines - Binuksan na ng Department of Foreign Affairs ang itinayong DFA Day Care Center na magbe-benepisyo sa daan-daang empleyado ng kagawaran at kani-kanilang mga anak.
Ayon sa DFA, pormal na pinasinayaan ang DFA Day Care Center noong Hunyo 3 kasabay ng pag-unveil ng dalawang marker sa labas ng center na pinangunahan ni Foreign Affairs Sec. Alberto Romulo at Consul Amelia R. Ablaza, Consul ng Guatemala at Dean ng Consular Corps ng Pilipinas.
Sa isinagawang ribbon-cutting ceremony ay sinaksihan at dinaluhan ng mga opisyales ng International Bazaar Foundation, Inc. (IBF); Department of Foreign Affairs Ladies Foundation (DFALF); at ASEAN Ladies Foundation (ALF) na siyang nagplano at nag sulong sa proyekto sa pamumuno ni Rosie Lovely T. Romulo at mga ranking officials ng DFA, guests mula sa Consular Corps of the Philippines, at Mesdames sa ASEAN embassies.
Ginawaran naman ng plaques of appreciation ni Consul Ablaza ang mga miyembro ng Consular Corps na sumuporta sa relokasyon at pagpapalawak ng proyekto sa bagong DFA Day Care Center.
Ang center ay kasalukuyan nang may 15 mga batang mag-aaral mula tatlo hanggang limang taon ang edad at inaasahan na madadagdagan pa ito.
Ipinasa naman ang management o pamamahala sa bagong day care center sa DFA-Office of Personnel and Management Services.