MANILA, Philippines - Muli na namang nakapagtala ng magkakasunod na paglindol ang paligid ng Taal volcano sa Batangas nitong nakalipas na magdamag.
Ayon kay Director Renato Solidum ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nakapagtala sila ng 18 volcanic quakes na hudyat ng patuloy na pag aalboroto ng bulkan.
Bunsod nito, nananatiling nakataas ang alert level 2 sa Taal volcano matapos kakitaan ang bulkan ng pamamaga ng bunganga nito na indikasyon ng posibleng paglabas ng lava.
Patuloy namang sinusubaybayan ng Phivolcs ang lawa sa bukana ng bulkan upang matiyak na mayroon ditong nagaganap na chemical reaction na hudyat umano na posibleng magkaroon ng pagbaba ng lava sa ilalim ng lawa.
Nananatili namang pinagbabawal ng ahensiya ang pagpunta ng sinuman sa may bukana ng bulkan .
Nilinaw naman ni Solidum na wala pang paglilikas na gagawin ang Phivolcs sa mga residenteng nakatira malapit sa bulkan dahil nasa alert level 2 pa lamang ang bulkan. Nasa alert level 3 at 4 bago palikasin ang mga residente sa mas ligtas na lugar.