Security measures sa inagurasyon ni Noynoy, ikinasa na ng PNP
MANILA, Philippines - Ikinasa na ng Philippine National Police (PNP) ang security measures na ipatutupad ka ugnay ng isasagawang inagurasyon ni president-elect Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III bilang ika -15 Pangulo ng bansa sa darating na Hunyo 30.
Ayon kay Chief Superintendent Ager Ontog Jr. ng PNP-National Elections Monitoring Action Center, depende sa makakalap nilang intelligence information sa security threats ang bilang ng ide-deploy na tauhan para sa makasaysayang okasyon.
Sinabi ni Ontog na bago pa man iproklama si Noynoy ay pinaghandaan na ito ng PNP at patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga security personnel ng bagong halal na Pangulo para sa ipatutupad na seguridad.
Ipinaliwanag ni Ontog na ang PNP ang mamamahala sa area security, traffic management at crowd control sa araw ng inagurasyon o ang pormal na oath taking ni Noynoy.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Chief Supt. Lina Sarmiento Director ng Police Security and Protection Group(PSPG) na hindi babawiin at mananatili kay Noynoy ang sampung security escorts nito.
Samantala, ipagpapatuloy ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa ang “transformation at reform program” sa ilalim ng Aquino administration.
Pinasalamatan rin ng PNP Chief si Noynoy sa tiwalang ibinigay sa kaniya matapos na ianunsyo ng huli na hindi siya tatanggalin bilang PNP Chief hanggang sa pagreretiro sa Disyembre 25 ng taon.
- Latest
- Trending