MANILA, Philippines - Pinalawig ng Commission on Elections (Comelec) ang deadline para sa pagsusumite ng statement of contributions and expenses ng mga kandidato sa May 10 national and local polls.
Nabatid na mula sa dating Hunyo 9, itinakda ng Comelec ang deadline ng submission sa Hunyo 24.
Bunsod nito, mayroon pang dalawang linggo ang mga kandidato upang isapinal ang kanilang mga statement at isumite ito sa Comelec Law Department.
Ayon kay Comelec Law Department Head Atty. Ferdinand Rafanan, layunin ng extension na mabigyan ng pagkakataon ang mga kandidato na maisumite ang listahan ng kanilang mga nagastos sa pangangampanya sa ginanap na halalan.
Bilang tugon na rin ito sa kahilingan ng iba’t ibang kandidato sa poll body na palawigin ang deadline para maisumite ang kanilang mga statement of campaign expeditures.
Batay sa Comelec Resolution 8944, ang sinumang mabibigo na magsumite ng nasabing statement ay maaaring mapatawan ng administrative offense na may multang P1,000 hanggang P30,000. Ang mga nanalo sa eleksiyon naman na hindi magsusumite ay hindi makakaupo sa puwesto.