MANILA, Philippines - Pinayuhan kahapon ni dating Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. ang pinsan nitong si President-Elect Benigno “Noynoy” Aquino III na pagretiruhin ng may dangal si AFP Chief of Staff Gen. Delfin Bangit.
Ito’y sa gitna na rin ng napipinto umanong pagtatanggal ni Noynoy sa puwesto kay Bangit dahilan may iba itong napipisil na Chief of Staff na prerogatibo ng Pangulo.
“If he is not the choice of the incoming president then allow him to retire honorably,”wika pa ni Gibo.
Si Bangit ay nakatakdang magretiro sa Hulyo 31, 2011 pero dahilan hindi ito ang choice ni Noynoy bilang Chief of Staff ay malamang malagay sa ‘floating status’ at mabawian ng isang estrelya kung hindi magreretiro ng maaga.
“His term is at the pleasure of the President, so when the next president has made his choice then General Bangit will accept that and allow him to retire as honor exit, dignity of an officer that is important”, sabi pa ni Gibo.
Sa panig naman ni dating AFP Chief of Staff Gen. Victor Ibrado, ipinarating nito ang kaniyang mensahe kay Bangit na magsumite na lamang ng ‘early retirement‘ sakaling hindi makumpirma ng Commission on Appointments (CA) bilang 4 Star General.