MANILA, Philippines - Magdaraos muli ng special elections ang Commission on Elections (Comelec) sa walo pang munisipalidad sa Lanao del Sur dahil sa pagkakaroon ng failure of elections doon.
Ayon kay Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal, kabilang sa mga lugar na pagdarausan ng special elections sa buwang ito ay ang Buadiposo Buntong (Barangay Sapot), Kapai (Barangays Doronan, Gadongan, Poblacion Proper, Pindolonan, Dimagaling, Dimunda, Kining, Malna Proper, Kibolos, at Pantaon), Marantao (Barangay Mulilian), Calanogas (Barangays Pantaon, Inudran, Punod, Gas, Mimbalawang, at Panggawalupa), Ganassi (Barangays Bago-Aingud, Gapaan, Pindolonan, at Sekun Matampay), Lumbatan (Barangays Lumbac-Bacayawan at Picotaan), Pagayawan (Barangay Bangon) at Tugaya (Barangays Buadi Alawang, Bubon, at Pagalamatan).
Sinabi ni Comm. Larrazabal na inaasahan nilang sa party-list race na lamang makakaapekto ang resulta ng naturang special election dahil mayroon lamang tinatayang 12,000 botante doon.
Nabatid na sanhi ng failure of elections sa mga naturang lugar ang pagtanggi ng mga miyembro ng Board of Election of Inspectors (BEI) na magsilbi sa araw ng halalan noong Mayo 10 at pagkawala ng ilang balotang kinakailangan sa ilang munisipalidad.
Una nang nagsagawa ng special elections ang poll body sa ilang munisipalidad ng Lanao del Sur, Western Samar, Iloilo, Saranggani at Basilan noong Hunyo 3.