MANILA, Philippines - Tiniyak ni President apparent Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III na sa sandaling maupo na sa Malacañang ay una niyang tututukan ang Freedom of Information Act na bigong maratipika ng House of Representatives sa huling sesyon ng 14th Congress.
Isa si Aquino sa lumagda sa Resolution No.1565 na humihikayat sa Kamara na ipasa ang panukala dahil mabibigyan nito ang taumbayan ng karapatang silipin ang mga transaksiyong pinasok ng gobyerno.
“FOI bill is a bill I support in principle. (I am) studyng how to move it forward,” pahayag ni Aquino.
Siniguro rin nina Senate President Juan Ponce Enrile at Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na ire-refile at magiging priority ang FOI bill sa 15th Congress.
Kaugnay nito, tiniyak ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Social Action, na tuloy ang laban nila para sa pagsasabatas ng FOI bill sa pagbubukas ng 15th Congress.
Ayon kay Pabillo, bigo ang mga mambabatas sa hamon na unahin ang interes ng publiko kumpara sa kanilang mga pansariling kapakanan, matapos na hindi makabuo ng quorum at hindi maratipikahan at maisabatas ng House of Representatives ang FOI bill.
Ayon naman kay CBCP-NASSA Executive Secretary Fr. Edu Gariguez, kaisa siya ng mga mamamayan sa pagluluksa dahil sa nawalang oportunidad na mapalakas ang democratic institution ng bansa. Kung naratipikahan lamang aniya at naisabatas ang FOI Bill, mabibigyan ng access ang general public sa lahat ng uri ng public records.
Sa ilalim ng naturang panukala, mabibigyan ng karapatan ang general public sa lahat ng impormasyon ng may kinalaman sa mga transaksiyon, official acts at research data ng mga government agencies.
Sinabi naman ni Deputy Presidential Spokesman Gary Olivar, nakakalungkot na si Pangulong Arroyo muli ang binagsakan ng sisi matapos mabigong maipasa ng Kamara ang FOI.
Ayon kay Usec. Olivar, lahat na lamang ay isinisisi kay Mrs. Arroyo gayung hindi naman siya ang dahilan kung bakit nawalan ng quorum ang Kamara na naging dahilan para hindi ito maipasa.
Aniya, ipinakita na ni Pangulong Arroyo ang kanyang pakikiisa ng suportahan nito ang Right to Reply Bill gayundin ang FOI subalit nabigo ang Kamara na magkaroon ng quorum at hindi ito naipasa.
“Was it she who failed to muster a quorum of 135, even if the bill reportedly had 180 co-sponsors?,” giit pa ng tagapagsalita ng Malacañang.
Ikinalungkot din ng Palasyo ang kritisismo sa mga itinalaga nitong mga opisyal na pilit na binabatikos gayung lahat ng ito ay legal at hindi lumabag sa anumang batas.