House solons binira sa kabiguang iratipika ang Freedom of Info Act
MANILA, Philippines - Mariing kinondena ng isang alyansa ng community media practitioners ang House of Representatives sa kabiguan nitong ratipikahan ang Freedom of Information Act of 2009, sa pagtawag dito bilang “pinakamalaking uri ng katrayduran” na ipinataw sa mga Pilipino.
Dahil sa kawalan ng quorum, nabigo ang Kamara na aktuhan ang bill, dahil 128 mambabatas lang ang dumalo sa huling sesyon ng 14th Congress, kulang ng pito sa kinakailangang bilang para maratipikahan ang isang panukalang batas.
“This is the darkest day in the history of the Filipino people’s right to know and to be aware of all government’s transactions that have been using public funds,” wika ni Nerito Villaruz, Visayas chapter president ng Unang Alyansa ng Pambansa at Pamprobinsiyang Lupon at Ugnayan ng Makatao at Maka-Diyos na mga Mamamahayag o 1ST-APLUMA.
Ayon kay Villaruz, dapat ilabas ang pangalan ng mga miyembro ng 14th Congress na absent sa huling sesyon upang malaman ng mga botante kung ano ang kanilang ginawang kasalanan sa taumbayan at sa giyera kontra katiwalian.
Isinusulong ng 1st-APLUMA ang pagpasa ng panukala dahil malaki ang maitutulong nito sa kampanya ni incoming President Benigno Aquino III laban sa katiwalian dahil mabibigyan nito ang taumbayan ng karapatang silipin ang mga transaksiyong pinasok ng gobyerno.
“Now, President Aquino’s program against graft and corruption would be greatly crippled with the non-passage of the bill,” wika ni Villaruz.
Bukod sa Freedom to Information Act of 2009, nabigo rin ang mga mambabatas na ratipikahan ang iba pang importanteng bills tulad ng Philippine Immigration Act of 2009 na papalit sana sa antigo nang 1940 version ng batas na siyang magpapalakas sana sa kampanya ng gobyerno laban sa undesirable aliens at foreign terrorists.
- Latest
- Trending