Walang Pinoy sa bagyo sa Central America
MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ligtas ang lahat ng mga kababayang Pinoy na nakatira sa Central America na tinamaan ng malakas na bagyo na tinawag na “Agatha” na nagdulot ng matinding pagbaha at landslide na ikinasawi ng mahigit 100 katao noong Linggo.
Sa report ni Ambassador Francisco Ortigas III ng Embahada ng Pilipinas sa Mexico, tumawag ang Embahada sa lahat ng mga mga contact numbers ng mga nakatirang Pinoy sa El Salvador, Guatemala at Honduras upang alamin ang kanilang kalagayan at sinabing nasa maayos naman silang kondisyon matapos ang bagyo na nag-iwan ng matinding pagbaha sa kanilang lugar.
Hindi binanggit ng Embahada ang kabuuang bilang ng mga Pinoy na naninirahan at nagtatrabaho sa Central America bagaman ang US ang bansang may milyong bilang ng mga Pinoy. Sa ulat, may 131 katao ang nasawi bunga ng pagbaha at landslides dulot ng bagyong Agatha habang marami pa ang nawawalang residente at libo pang mga kabahayan ang nawasak.
Tumama sa lupa si Agatha malapit sa Guatemala-Mexico border noong Mayo 29 bilang isang tropical storm na nagtataglay ng malakas na hanging umaabot sa 45 milya kada oras o katumbas ng 75 kilometro kada oras.
- Latest
- Trending