Sen. Cayetano hinahanapan ng ebidensiya vs NBN-ZTE

MANILA, Philippines - Tila nabubuhay umano sa ilusyon si Sen. Alan Peter Cayetano dahil sa pahayag nito na dapat bawiin ni incoming president Noynoy Aquino ang pagpapawalang-sala ng Ombudsman kina Pangulong Glo­ria Macapagal-Arroyo at First Gentleman Mike Arroyo sa NBN-ZTE deal dahil sa nag-uuma­paw na ebidensiya.

Pinuna ni National Association of Lawyers for Justice and Peace (NALJP) Chairman Atty. Jesus Santos na ang Ombudsman ay isang constitutional body na sa ilalim ng batas ay hindi puwedeng pakialaman ng kahit na sinong opisyal, maging ng Pangulo ng bansa.

“Lahat ng abugadong may karapatang maging abugado ay dapat na alam ito,” ayon kay Santos. Inakusahan si Ginoong Arroyo ng pagtatangkang implu­wensiyahan ang NBN-ZTE deal sa pamamagitan umano ng pagsasabi sa bidder na si Joey de Venecia na umurong na sa transaksyon.

Subalit tinanong ni Santos si Cayetano kung nasaan ang nag-uumapaw na ebidensiya at bakit hindi niya iniharap ito sa loob ng halos dalawang taong pagsisiyasat ng usapin at mag­pahanggang ngayon.

Subalit pinuna ng Ombudsman mismo na walang anu­mang ibang pinanggalingan ng ebidensiya, o pahayag ng iba pang testigo na nakapagbigay ng katibayan sa mga paratang laban kay Ginoong Arroyo.

“Ibig sabihin, walang na­ipa­kitang katibayan ang mga nag­akusa, wala silang anumang ebidensiya laban kay Ginoong Arroyo. Isa pa, may mga record na nagpapatunay na nasa ospital si Ginoong Arroyo nang maganap diumano’y meeting. Kaya’t anong ebidensiya ang pinagsasabi ngayon ni Sen. Cayetano,” ayon kay Santos.

Hinamon ni Santos si Caye­tano na magharap muna ng ebi­densiya bago ito muling mag­salita sa media tungkol sa NBN-ZTE. 

Show comments