Payo sa mga third sex, 'wag ng magpunta sa Saudi - CBCP
MANILA, Philippines - Hinikayat ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga homosexuals na huwag na lamang magtungo sa Saudi Arabia bunsod na rin ng ban laban sa mga ito.
Ayon kay Father Edwin Corros, executive secretary ng Episcopal Commission on Migrant and Itinerant People ng CBCP, nakarating na sa kanila ang balita hinggil sa “diskriminasyon” sa Saudi laban sa mga bading, at sinabing talagang may mga bansa na nagpapatupad ng mga ganitong batas, kaya’t nirerespeto nila ito.
Kasabay nito, pinayuhan pa ng CBCP official ang mga bading na huwag na lamang mangibang-bansa, partikular sa Saudi Arabia, para na rin sa kanilang kapakanan.
Mas makabubuti rin aniya kung sa ibang bansa na lamang na walang diskriminasyon magtungo ang mga homosexuals.
Samantala, naniniwala si Corros na ang kawalan ng job opportunity sa bansa ang dahilan kung bakit maraming Pinoy ang napipilitang mangibang-bayan upang maghanap ng pagkakakitaan.
Bagamat hindi pa rin umano nila alam sa ngayon kung ano ang mga programa ng susunod na administrasyon, umaasa si Corros na makakasama dito ang job program, at pagtuunan ng pansin ang job creation upang wala ng Pinoy na kailangan pang umalis ng Pilipinas. (=
- Latest
- Trending