'Sex education' papalitan ng pangalan
MANILA, Philippines - Dahil sa maling konsepto sa katagang “sex”, posibleng palitan na lamang ng Department of Education (DepEd) ang tawag dito matapos na makatanggap ng pagkontra ng simbahang Katoliko.
Ilan sa mga nakarating na suhestiyon sa DepEd na maaaring ipalit sa tawag na ito ay ang “reproductive health education” o “reproductive program education”. Ang tawag na “sex education” umano ang tawag base sa “international standards” na ipinatutupad sa Amerika at sa Europa.
Sinabi ni Jonathan Malaya na maaaring maling konsepto o pakahulugan ang tumanim sa isipan ng mga kumukontra sa “sex education” kung saan nakarating sa kanila na posibleng iniisip na ma-e-“excite” ang mga estudyante sa gagawing pagtuturo nito.
Nakatakda namang magsagawa ng konsultasyon ang DepEd sa Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) sa Hunyo 15-18 kung saan ipapaliwanag nila ang nilalaman ng kanilang aralin at sistema ng pagtuturo.
Sinabi rin ni Malaya na bukod sa simbahang Katoliko, wala nang ibang grupong relihiyoso ang naririnig nilang kumukontra sa pagtuturo ng sex education sa mga paaralan.
- Latest
- Trending