Ibon at manok ng Italy, ban sa Pinas
MANILA, Philippines - Ipinagbawal ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapasok ng ibon at manok sa Pilipinas na mula sa Bergamo Lombardy, Italy bunsod ng pagkalat ng bird flu o Avian Influenza (AI) rito.
Ayon kay DA Secretary Bernie Fondevilla, ang kautusan ay matapos na makatanggap ng opisyal na ulat mula sa World Organization on Animal Health o Office International des Epizooties (OIE) na nagkukumpirmang kumalat na ang AI virus sa nasabing lugar.
Napag-alaman na nagsumite ng ulat ang European Commission’s Health and Consumers Directorate General sa OIE na nagsasaad ng detalye ng presensiya ng Low Pathogenic AI sa dalawang magkahiwalay na manukan sa Bergamo.
Inatasan na ng DA ang quarantine officers at inspectors nito sa lahat ng pangunahing paliparan at pier na pigilan at kumpiskahin ang mga buhay na ibon, manok at produktong manok na nagmumula sa Bergamo.
Pinasususpinde na rin ang pagproseso, ebalwasyon at aplikasyon sa pag-iisyu ng Veterinary Quarantine Clearances (VQCs) sa lahat ng inaangkat na produkto mula sa nabanggit na lugar.
Ang Pilipinas, kasama ang Brunei at Singapore ang bukod tanging mga bansang ligtas sa bird flu sa Timog-Silangang Asya.
- Latest
- Trending