MANILA, Philippines - Nagawang maihabol ng Senado sa huling araw ng sesyon kahapon ang pagratipika sa Philippine Immigration Act of 2010.
Sa sandaling maging isang ganap na batas, magkakaroon na ng fix term ang mga opisyal ng Bureau of Immigration. Gagawin na ring Commission ang kasalukuyang Bureau of Immigration.
Nilinaw naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na nasa kamay na ni president-apparent Noynoy Aquino kung lalagdaan ang niratipikahang Philippine Immigration Act upang maging ganap na batas.
Kung lalagdaan ni Aquino, bukod sa taunang budget ng BI sa ilalim ng General Approriations Act, papayagan pa rin ito na magamit ang 30% ng kanilang kita mula sa koleksiyon mula sa immigration fees, fines, penalties, at charges mula sa maintenance ng iba pang operating expenses.
Aatasan din ang Commissioner na magsumite ng isang bagong “staffing pattern” at salary schedule para sa personnel services sa Kalihim ng Department nf Budget and Management.
Sa sandaling maaprubahan, ang lahat ng empleyado ng Bureau of Immigration na sakop ng civil service law at regulations ay magpapatuloy sa kanilang kasalukuyang posisyon habang hinihintay ang reorganisasyon ng komisyon batay sa bagong staffing pattern.