Umento malabo na
MANILA, Philippines - Malabo pa ang isinusulong na umento sa sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region o NCR.
Ayon kay Ciriaco Lagunsad, executive director ng National Wages and Productivity Commission, pinag-aaralan pa ng Employers Confederation of the Philippines o ECOP kung kakatigan ang kahilingan ng Trade Union Congress of the Philippine na P75 dagdag sa arawang suweldo.
Sinabi ni Lagunsad na isinasaalang-alang ng mga employers ang posibleng epekto sa kanilang mga negosyo sa nangyayaring pagbagsak ng ekonomiya ng mga bansa sa Europe.
Nangangamba umano ang ECOP na magsara ang ilan nilang miyembro kung hindi pag-iisipan ang kanilang desisyon.
Sa Hunyo 7, (Lunes) ay muling magpupulong ang mga employer, manggagawa at mismong NWPC upang talakayin ang iniluluhog na dagdag sa minimum wage ng mga kawani sa Metro Manila.
Una rito, sinabi ni Sonny Africa, pinuno ng research division ng IBON Foundation na hindi na sapat ang P382 kada araw na sahod ng mga kawani dahil sa sobrang taas na ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Batay sa datos na umano ay nakalap nila sa NWPC, kinakailangang sumasahod ng P917 kada araw ang isang manggagawa na may anim na miyembro ng pamilya.
- Latest
- Trending