MANILA, Philippines - Lalong magiging matapang ang mga kriminal sa bansa kung sakaling ituloy ng Philippine National Police (PNP) ang plano nitong pagpapatupad ng “total gun ban” sa buong bansa.
Ito ang mariing ipinahayag ni Lanao del Sur Rep. Pangalian Balindong kasabay ng pagpapahayag ng kanyang suporta sa itinutulak na “total pro gun” na kung saan ay lahat ng kwalipikadong tao ay may karapatan na mag-ari at magbitbit ng baril.
Naniniwala din ang mambabatas na isa umanong paglabag sa mandato ng PNP at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagpapatupad ng total gun ban dahil ito’y mangangahulugan na ipinagkakait nila ang karapatan ng mga mamamayan na maprotekta han ang kanilang sarili.
Una nang nagpahayag ang mga pro-gun advocates na bigo ang pinairal na gun ban ng PNP na sugpuin ang krimen sa kabila ng pahayag ng kapulisan na matagumpay ang gun ban.
Ayon kay Pery Punla, pangulo ng Gun Enthusiasts Confederation of the Philippines , kadalasan ang mga mamayang sumusunod sa batas ay nabibiktima ng iba’t ibang uri ng krimen.
Aniya ang mga ganitong krimen ay maiiwasan kung ang mga biktima ay nagmamay-ari ng baril na maaring gamitin upang proteksyunan ang kanilang sarili.
Maging si president-apparent Benigno “Noynoy” Aquino ay hindi bilib sa planong pagkakaroon ng total gun ban dahil siya mismo ay naniniwala na tanging ang mga lehitimong may ari ng baril ang susunod rito.