Special Education Act hiling ipasa sa Kamara
MANILA, Philippines - Nanawagan ang Department of Education (DepEd) sa Kongreso na ipasa na ang panukalang batas para sa edukasyon ng mga special child at may mga kapansanan.
Sinabi ni Education Secretary Mona Valisno ang pagpapasa ng Special Education Act of 2010 ay magiging ‘parting gift’ at ‘legacy’ ng 14th Congress sa sambayanan dahil sa pagbibigay ng sapat na atensyon sa may 5.94 milyong special child at may kapansanan.
Sa kasalukuyan ay may 2 percent lamang ng mga batang Filipino ang nakakatanggap ng kinakailangang edukasyon kumpara sa ibang bansa na may 100% mula sa gobyerno.
Tanging ang Kamara na lamang ang hinihintay na ipasa ang nasabing panukalang batas dahil inaprubahan na ang senate version nito na akda nina Sen. Miriam Defensor-Santiago at Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri.
Kapag naisabatas na ito ay magkakaroon ng Burueau of Special Education sa ilalim ng DepEd at magkakaroon na rin ng isang SPED center sa bawat lungsod at lalawigan sa bansa.
Ang naturang bagong sangay ang mangunguna sa paglikha ng epektibong kurikulum na gagamitin sa pagtuturo sa mga kabataang espesyal at may kapansanan.
Magkakaroon rin ng tulong medical, at nutrisyon sa mga special child na galing sa mahihirap na pamilya.
- Latest
- Trending