Sa 3.6-Milyong balotang di biniling ng PCOS, Mar naghamon ng manu-mano
MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ng kampo ni vice presidential candidate Mar Roxas na bilangin sa manu-manong paraan ang mga tinatawag na “null votes” o mga balotang hindi binilang ng mga PCOS machines.
Ito ang inihayag ng “AQUINO-ROXAS BANTAY BALOTA” sa isang press conference kahapon.
Ayon kay Liberal Party vice president Florencio Butch Abad, igigiit nila sa Joint Canvassing Committee ng Senado at Mababang Kapulungan ang iregularidad para hindi mawalang-saysay ang boto ng milyong Pilipinong lumahok sa nakaraang halalan.
Ang mga botong kinukuwestyon ay yung mga nagmula sa Maguindanao at Lanao del Sur.
Ayon kay Abad, kapuna-puna ang ilang iregularidad sa transmission ng election returns sa mga naturang lugar.
Inihalimbawa nito ang maagang pagta-transmit ng mga boto sa Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao isang oras bago isara ang botohan alas-7:00 ng gabi noong Mayo 10.
Sa tala, 464 registered voters sa clustered precincts na sakop ng PCOS machine at sa naturang bilang, 463 ang bumoto sa isang kandidato sa pagka-bise presidente at walang iniulat na null votes.
Iginiit ng Aquino-Roxas Bantay Balota na suriin ang 2.6 milyong null votes at mahigit pang 300,000 iba pang boto sa vice presidential race na posibleng ipawalang bisa.
Sinabi ni Abad na ang insidente sa Datu Odin Sinsuat ay isa lamang sa mga questionable transactions na naganap noong May 10 elections kaya’t nalalagay sa balag ng alanganin ang first automated election system (AES).
Inihayag din ni Abad ang pag-aaral ng IT experts hinggil sa pag-ta-transmit ng mga boto noong May 10 sa pagitan ng alas-5 hanggang alas-5:59 ng hapon o isang oras bago ang pagsasara ng eleksyon.
Kabilang dito ang 1,064 votes for vice president sa Maguindanao.
Dakong alas-12:00 naman ng hatinggabi, 393,196 boto para sa pagka-bise presidente ang naitransmit kabilang ang 196,626 mula sa Maguindanao at 72,005 sa Lanao del Sur.
Nakapagtataka anya ang maagang transmission lalo pa’t bago ang halalan ay lumutang ang iba’t ibang problema sa transmission sa ARMM.
Naging kapansin-pansin din anya ang araw-araw na pagta-transmit ng election return mula Mayo 10 hanggang 17 sa ARMM.
“It is important that we find out the truth behind the many issues that have been raised against the integrity of the AES. Congress should not turn a blind eye or a deaf ear on the loudening calls for speedy but accurate and complete count of all the votes cast,” saad ni Abad.
Sa pagtaya, tatlong milyong boto sa vice-presidential race ang null at uncanvassed at 300,000 votes ang hindi na-tally mula sa certificates of canvass.
Samantala, sinabi naman ni Comelec Commissioner Nicodemo Ferrer, hindi magandang ulit-ulitin ng kampo ni Roxas ang paggiit na maraming boto para sa mambabatas ang hindi nabilang noong nakaraang halalan gayung matagal na nila itong naipaliwanag.
Paliwanag ni Ferrer, walang magagawa ang panig ni Roxas kung hindi nabilang ang ilang boto sa dahilang over votes o hindi bumoto ang ilan.
Muli namang nilinaw ng Comelec na walang kaugnayan ang pagbaba ng threshold sa canvassing kaya ngayon pa lang ay nakikita na umano niyang walang patutunguhan ang anumang mga hirit na tumutukoy sa rason ng threshold na sanhi ng hindi pagkakabilang ng kanilang mga boto. (Dagdag na ulat ni Doris Franche)
- Latest
- Trending