MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ng pro-gun advocates na bigo ang pinairal na gun ban ng Philippine National Police (PNP) na sugpuin ang krimen kasabay ng pagsasabing isusulong ng mga ito ang kanilang panukalang armasan ang lahat ng indibidwal sa bansa.
Ayon kay Pery Punla, pangulo ng Gun Enthusiasts Confederation of the Philippines, kadalasan ang mga mamamayang sumusunod sa batas ay nabibiktima ng iba’t ibang uri ng krimen mula sa carnapping, hold-ups, homicide at murders dahil sa kawalan ng mga ito ng baril na posibleng gamitin upang ipagtanggol ang kanilang sarili.
Aniya, ang mga ganitong krimen ay maiiwasan kung ang mga biktima ay nagmamay-ari ng baril na maaring gamitin upang proteksyunan ang kanilang sarili.
Bagamat isusulong umano nila ang tamang pag-aarmas sa indibidwal ay nilinaw naman nito na tutol ang kanilang grupo sa paglipana ng illegal guns.
“These crimes would have otherwise been deterred or altogether prevented had the victims been armed. I adamantly say no to illegal guns. And the guns I keep are not intended for use in crime but rather only for self-defense or sport,” paliwanag ni Punla.