MANILA, Philippines - Nagkasigawan ang dalawang kongresista sa plenaryo kahapon matapos magtalo hinggil sa authenticity ng ilang compact flash (CF) cards na ginamit sa voting machines sa nakaraang halalan.’
Sa pagpapatuloy ng joint canvassing ng Senado at Kamara, kinuwestiyon ni Maguindanao Rep. Didagen Dilangalen na ilang sa mga CF cards ay na-compromised umano matapos ma-reconfigure ng ilang empleyado ng Comelec base sa utos ni Eexecutive Director Jose Tolentino.
Pero agad siyang kinontra ni Paranaque City Rep. Roilo Golez dahil hindi umano mga empleyado ng Comelec ang nag-reconfigure ng CF cards kundi mga personnel ng Department of Science and Technology (DOST).
Dito napikon si Dilangalen at sinigaw si Golez sa pagsabing karapatan umano niyang magtanong at malaman kung ano ang totoo sa naturang isyu. “I have the right to know, mahirap iyong may sipsip dito,” pasigaw na pahayag nito kay Golez.
Upang mapigil ang paglala ng tensiyon, sinuspinde agad ni House Speaker Prospero Nograles Jr. at Senate President Juan Ponce Enrile ang proceedings subalit patuloy ang baliktatakan ng dalawa hanggang sa magbati at magkamay na ang mga ito.