Total pro gun, kalokohan - VACC

MANILA, Philippines - Tutol ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa gustong mangyari ng mga grupong “pro gun” na payagan ng pamahalaan na malayang mag-ari at magdala ng armas ang lahat ng mamamayan dahil ito’y isang “stupid idea”.

Ayon kay VACC founding chair Dante Jimenez, wala siyang nakikitang tamang dahilan na payagan ang sinuman na magdala ng kanilang armas sa labas ng kanilang bahay sapagkat tanging ang mga pulis at sundalo lamang ang may karapatan na magdala ng kanilang mga baril.

“Let’s put a stop to this stupid idea of giving special treatment to special citizens,” pahayag ni Jimenez.

Ito’y kaugnay ng pana­wagan ng Gun Enthusiast Confederation of the Philippines (Gencop) na magkaroon ng batas na magbibigay daan sa isang “total pro gun” society kung san lahat ng kwalipikadong indibidwal ay magkakaron ng karapatan na mag-ari at magbitbit ng baril.

Naniniwala si Gencop president Perry Punla na malaki ang maitutulong ng total pro gun sa pananatili ng katahimikan sa bansa.

Inamin naman ni Jimenez na isa siyang gun owner at nagdadala siya ng baril sa loob ng 19 na taon, subalit nagbago ang kanyang pananaw ng maging bahagi siya ng anti-private armed groups commission na binuo noong nakaraang taon upang buwagin ang mga private armies sa bansa.

Dito anya niya naintindihan kung gaano kaimportante ang mahigpit na pagpapatupad ng gun ban sa buong bansa at naniniwala siya na ang gun ban paraan upang maibsan ang karahasan sa bansa.

Hindi rin siya sang-ayon sa rason na ibinigay ng mga pro gun advocates na kinakailangan umanong payagan na mag-ari ng baril ang mga mamamayan dahil kulang ang pwersa ng kapulisan upang panatiliing ligtas ang mahigit sa 80 mil­yong mamamayan.

Show comments