Proklamasyon ni Alvarez bilang Palawan gob., hingi
MANILA, Philippines - Hiniling sa Korte Suprema ng isang local political group sa Palawan na iproklama na ang negosyanteng si Pepito Alvarez at katigan ang nauna nang desisyon ng Comelec na nagdidiskuwalipika kay Cong. Abraham Kahlil Mitra sa gubernatorial race sa lalawigan dahil sa isyu ng residency.
Base sa 37 pahinang supplemental comment na inihain sa SC, kapwa sinabi nina San Vicente, Palawan Mayor Antonio Gonzales ng Partidong Pagbabago ng Palawan at ni Orlando Balbon Jr. na resolbahin agad ang kaso ng gubernatorial race sa Palawan bago sumapit ang Hunyo 30.
Nauna nang diniskuwalipika ng Comelec si Mitra dahil sa kakulangan sa residency requirement subalit umapela ito sa SC at pinayagan na tumakbo habang nakabinbin pa ang apela subalit sa naging resulta ng eleksyon ay nakakuha ito ng mas mataas na 5.3 % o 146,847 boto para manalo noong eleksyon habang ang katunggali na si Alvarez ay nakakuha ng 131,872.
Iginiit sa petisyon na hindi nagkamali ang Comelec nang iutos nitong idiskuwalipika si Mitra gayundin ay dapat itong katigan ng SC kung saan hindi umano maaaring makinabang si Mitra sa mali nitong gawa nang maghain ng certificate of candidacy at isinaad na residente ng Sitio Maligaya, Arbolan, Palawan gayong tunay na residente ito ng Puerto Princesa.
- Latest
- Trending