MANILA, Philippines - Hinikayat kahapon ni Sen. Joker Arroyo ang kanyang mga kapwa mambabatas na tigilan na ang ‘grandstanding’ bagkus ay gawin ang trabaho bilang miyembro ng National Board of Canvassers (NBOC) upang bumilis ang pagbibilang ng boto para sa presidente at bise-presidente.
Sinabi ni Sen. Arroyo, ang mga mambabatas ay hindi imbestigador bagkus ang kanilang trabaho bilang NBOC ay bilangin ang boto ng presidente at bise-presidente.
Aniya, dapat ipaubaya na lamang sa House committee on electoral reforms and suffrage ang pag-iimbestiga sa sinasabing iregularidad sa nakaraang May 10 elections o kaya ay ipaubaya sa Presidential Electoral Tribunal (PET).
Wika pa ni Arroyo, alam na naman ng taumbayan kung sino ang nanalong presidente at ang kailangan lamang ay ang pormal na proklamasyon ng Kongreso at makapanumpa sa takdang araw ng June 30 ang nanalong presidente ng bansa.
Naniniwala naman si Comelec Law Department head Atty. Ferdinand Rafanan na “wrong timing” ang mga ginagawang imbestigasyon ng Kamara sa proseso ng data transmission at electronic counting ng mga Precinct Count Optical Scan machines.
Ayon kay Rafanan, ang imbestigasyon sa Kamara ay nagmimistula nang fishing expedition at forum para maglabas ng sama ng loob ang mga natalong kandidato noong nagdaang halalan.
Bagama’t iginagalang nila ang tungkulin ng Kongreso para mag-imbestiga, hindi naman aniya ito napapanahon sa ngayon dahil maraming mga trabaho ang bawat departamento na kailangan sanang unahin.
Partikular pang tinukoy ng opisyal ang mga nakabinbin na election protest sa Comelec mula sa mga natalong kandidato sa nagdaang halalan.