Ibibigay na Congressional seats sa 10 party-lists pag-uusapan pa
MANILA, Philippines - Tatalakayin na umano ng Commission on Elections en banc sa mga susunod na araw kung tig-ilang congressional seat ang ibibigay nito sa top 10 winning party-list groups na nakatakda nilang iproklama sa Lunes.
Ayon kay Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal, nakakasiguro na ng tig-isang congressional seat ang mga party-list groups na ipu-proklama nila.
Ipinaliwanag nito na hindi pa rin nila natatanggap ang lahat ng boto para sa party-list system dahil na rin sa failure of elections na idineklara sa ilang lugar sa Mindanao.
Nabatid na itinakda na ng Comelec ang pagdaraos ng special elections sa Hunyo 3 sa pitong munisipalidad ng Lanao del Sur, dalawang barangay sa Basilan at isa sa Sarangani.
Kabilang sa top 10 winning party-list groups ang (1) Ako Bicol Political Party, (2) Coalition of Associations of Senior Citizens in the Philippines, (3) Buhay Hayaan Yumabong Party-list, (4) Akbayan Citizen’s Action Party, (5) Gabriela Women’s Party, (6) Cooperative Natcco Network Party; (7) 1st Consumers Alliance for Rural Energy o 1-CARE, (8) ABONO, (9) Bayan Muna, at ang (10) An Waray.
Alinsunod sa ilalim ng Republic Act 7941 o Party-List System Act, ang lahat ng party-list groups na makakakuha ng dalawang porsiyento ng total votes cast para sa party-list system ay mabibigyan ng isang pwesto sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ang mga higit naman sa dalawang porsiyento ay mabibigyan pa ng karagdagang congressional seat, bagamat limitado lamang ito hanggang sa tatlong puwesto.
- Latest
- Trending