MANILA, Philippines - Umapela ang Department of Education (DepEd) sa mga pribadong eskwelahan sa elementarya at high school na huwag magtaas ng tuition fee ngayong school year upang hindi na madagdagan ang dami ng mga mag-aaral na lumilipat sa mga pampublikong paaralan.
Sinabi ni Education Secretary Mona Valisno na pangunahing dahilan ang paglipat ng mga mag-aaral buhat sa mga private schools sa pagsisikip ng mga silid-aralan sa mga pampubliko na nagreresulta naman sa mababang “performance” sa mga aralin dahil sa dami ng mga estudyanteng tinuturuan ng iisang guro. Hindi umano nila papayagan na basta-basta magtaas ng tuition fee ang mga private schools kung saan may limitasyon lamang ito ng hanggang 15 porsyento.