MANILA, Philippines - Ipinagpaliban ng Commission on Elections (Comelec) sa susunod na linggo ang proklamasyon sa sampung nangungunang party-list groups sa katatapos na May 10 automated elections.
Ayon kay Comelec Chairman Jose Melo, sa halip na ngayong araw (Biyernes) ay sa Lunes na lamang nila isasagawa ang proklamasyon.
Sinabi ni Melo na nagpasya silang ipagpaliban ang proklamasyon dahil hanggang sa ngayon ay may mga komputasyon pa ring hindi natatapos ang Comelec en banc.
Unang itinakda ng poll body ang proklamasyon noong nakaraang linggo, ngunit hindi ito natuloy dahil sa pagkaantala ng canvassing. Kinakailangan kasi ng mga Comelec officials na dumalo sa isinasagawang pagdinig ng Kongreso hinggil sa umano’y mga iregularidad na naganap sa halalan.
Kabilang sa 10 party-list groups na nangunguna sa eleksiyon at posibleng maiproklama na ng Comelec ay ang Ako Bicol, Coalition of Associations of Senior Citizens in the Philippines, Buhay Hayaan Yumabong Party-list, Akbayan Citizen’s Action Party, Gabriela Women’s Party, Cooperative Natcco Network Party, 1st Consumers Alliance for Rural Energy (1-CARE), ABONO, Bayan Muna, at An Waray. (Gemma Garcia/Mer Layson)