NBP chaplain kay Noy: Maging 'generous' sa mga bilanggo

MANILA, Philippines - Umapela ang chaplain ng New Bilibid Prisons (NBP) kay soon-to-be president Sen. Benigno Simeon Aquino III, na maging “generous” sa pagbibigay ng presidential clemency sa mga bilanggo, sa panahon ng kaniyang panunungkulan.

Ayon kay Monsignor Bobby Olaguer, maaaring tularan ni Aquino ang mga naging pangulo ng bansa mula kay dating Pangulong Ferdinand Marcos hanggang kay dating Pangulong Joseph Estrada, na maraming napalayang bilanggo sa pamamagitan ng presidential clemency.

Aniya, noon ay 7,500 lamang ang bilanggo ng NBP ngunit ngayon ay nasa 21,000 na ang mga ito.

Paliwanag ni Olaguer, noon kasi umano kapag may okasyon ay pinipirmahan ng mga pangulo ang mula 300 hanggang 500 na presidential clemency sa mga preso.

Ngunit pagdating aniya sa panahon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, kahit Pasko aniya ay wala pang 50 ang pinayagan nitong makalaya.

“Tamad” kasi aniya si PGMA na pagpirma ng presidential clemency at inuuna lamang ang mga matatandaang bilanggo kaya’t nagiging unfair sa ibang prisonero na matagal nang nakakulong simula pa ng kanilang pagkabata.

Nanawagan si Olaguer kay Aquino na maging mababa ang loob sa pagkakaloob ng executive clemency sa mga bilanggo sa pamamagitan ng pagbibigay ng parole, o commutation of sentence dahil ito lamang ang kanilang inaasahan.

Samantala, kahit naman umano naging “tamad” sa pagpirma ng clemency,  nagpasalamat din naman si Olaguer kay PGMA dahil sa paglalagay nito ng mga magagaling na opisyal upang mamahala sa NBP at sa pagtulong nito na mapataas ang budget nila, para sa pagdaragdag ng pasilidad sa mga bilangguan tulad ng mga pagamutan. (Mer Layson/Gemma Garcia)

Show comments