MANILA, Philippines - Ang Smartmatic-TIM na ngayon ang sinisingil ng mga guro sa pagbabayad ng ekstrang P500 para sa labis na araw na pagsisilbi nila sa dagdag na araw sa “resealing at retesting” ng mga Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines.
Ito’y makaraang magreklamo ang Alliance of Concerned Teachers partylist na kulang ang P500 ibinigay na dagdag ng Commission on Elections sa kanilang honorarium.
Matatandaan na tumanggap ang mga guro ng P4,300 na unang napagkasunduan ngunit humirit ang mga guro ng dagdag dahil sa lagpas sa oras na pagsisilbi nila at napakaraming botante sa kanilang mga presinto. Hindi umano sasapat ang P500 na dagdag na ibinigay sa kanila para umakyat ang natanggap sa P4,800.
Kinontra naman ni Antonio Tinio, tagapangulo ng ACT, ang sinabi ni Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal na pinakamataas sa kasaysayan ang P4,800 na kompensasyon sa mga guro. Sinabi nito na bahagyang umakyat ang ibinigay sa mga guro dahil nagdagdagan naman ang kanilang mga gawain tulad ng “testing at sealing” ng mga PCOS machines at clustering sa mga presinto sanhi upang higit sa triple ang dami ng botanteng kanilang pinamahalaan.
Dahil sa kapalpakan umano ng Smartmatic, nagkaroon ng pangalawang “resealing at testing” sa mga PCOS ang mga guro kaya nadagdagan ang araw ng kanilang serbisyo. Nararapat lamang umano na puwersahin ng Comelec ang Smartmatic na bayaran rin sila.