Ibinunyag ni Morato, P1-bilyon para manalo si Gibo
MANILA, Philippines - Ibinunyag kahapon ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) chairman Manoling Morato sa Kongreso na inalok siya ng mga empleyado ng Commission on Elections ng “sure election victory” para kay Lakas-Kampi-CMD presidential bet Gilberto “Gibo” Teodoro Jr., kapalit ng halagang P1 bilyon.
Ang pahayag ay ginawa ni Morato, isa sa mga kilalang tagasuporta ni Teodoro, sa isinagawa nitong pagdalo sa hearing ng House Committee on Electoral Reform and Suffrage kaugnay sa umano’y dayaang naganap sa halalan noong Mayo 10.
Sinabi ni Morato na buwan ng Pebrero nang magtungo sa kaniyang tanggapan sa Quezon City ang pitong Comelec employee at inialok ang kanilang “serbisyo” sa automated elections, upang matiyak umano ang panalo sa eleksyon ni Teodoro.
Nilinaw naman ni Morato na inialok sa kaniya ang naturang “serbisyo,” hindi para sa kaniya, dahil hindi naman siya kandidato, kundi para kay Teodoro.
Idinetalye din umano ng mga ito sa kaniya ang gagawin nilang proseso upang magawang manipulahin ang automated elections, pabor kay Teodoro.
Plano umano ng mga ito na palitan ang source code na gagamitin sa voting machines, palitan ang compact flash (CF) cards, o harangin ang transmission ng election returns (ERs).
Bagamat hindi naman umano nakuha ni Morato ang buong pangalan ng mga tao, nakuha niya ang first name ng dalawa sa mga ito, at kinilala na sina “Artie” at “Bong,” na nagsabing mula sila sa Comelec.
Tinanggihan naman umano ni Morato ang alok, dahil wala naman aniyang layunin si Teodoro na mandaya sa halalan.
“When they were offering to cheat [in favor of Teodoro], I cut them off. I said it is not in Teodoro’s character to do that,” dagdag pa nito.
Matapos umano niyang “barahin” ang mga lalaki ay pinalitan naman ng mga ito ang alok at sinabing maaari nilang tiyakin na hindi madadaya sa eleksyon si Teodoro.
Ayon kay Morato, maaari niyang makilala ang mga taong nagpunta sa kaniyang tanggapan kung muli niyang makikita ang mga ito, kahit pa sa pamamagitan lamang ng mga larawan.
Nilinaw rin ni Morato na hindi na rin niya binanggit pa kay Teodoro ang naturang alok.
Umaasa naman si Morato na matapos ang kanilang rebelasyon ay ipatutunton ng administrasyon ang mga mandaraya sa eleksiyon.
Si Morato ay nabatid na iprinisinta ni Atty. Homobono Adaza sa House probe bilang kaniyang impormante kaugnay ng ibinunyag niya na apat na regional poll officials na sangkot umano sa manipulasyon ng katatapos na automated elections. (May ulat ni Mer Layson)
- Latest
- Trending