MANILA, Philippines - Limang lugar ang tinukoy ng Department of Justice na maaring bigyang prayoridad sa ilalim ng susunod na administrasyon.
Base sa Organizational and Functional Transition Report (OTR at FTR) na isinumite ng DOJ sa Malacanang, sa susunod umanong administrasyon ay bubuo ang Kagawaran ng 2010-2016 strategic plan sa pagtatag ng Medium-Term Philippine Development Plan.
Maari ring isama ng DOJ ang justice sector bilang prayoridad ng papasok na administrasyon kaugnay sa “anti-corruption and investor confidence-building efforts”, base sa ulat na nilagdaan ni Acting Justice Secretary Alberto Agra bilang chairperson ng Agency Transition Cooperation Team (ACTC) para sa DOJ.
Sa transition report, ipinanukala na ang DOJ sa ilalim ng susunod na administrasyon ay ipagpapatuloy at pananatilihin ang institutional development efforts upang mapagbuti at mapalakas ang serbisyo at pagtutulungan sa kagawaran at sa mga kaagabay na institusyon nito gayundin upang magkaroon ng unified legislative agenda.
Sinabi naman ni Agra na anumang oras ay handa siyang i-turnover ang transition report sa susunod na kalihim ng DOJ at sa attached agencies na mapipili ng susunod na administrasyon.
Nakasaad sa transition report ang ongoing projects ng Office of the Secretary (OSEC) kabilang dito ang “Zero Backlog” program sa mabilis na resolution ng mga kaso gaya ng anti-trafficking in persons program, Juvenile Justice and Welfare Act, samantalang sa ilalim naman ng Witness Protection Services, patuloy na bibigyang seguridad ng DOJ ang mga testigo sa mga kasong may kaugnayan sa terorismo, rebellion, human trafficking, extralegal killings, murders at political personalities.