Senate panel sa canvassing board, buo na
MANILA, Philippines - Nabuo na rin kahapon ng Senado ang siyam na senador na uupo sa National Board of Canvassers na magbibilang ng boto para sa presidente at bise-presidente sa joint session ng Kamara at Senado.
Ang siyam na magiging miyembro ng NBOC ay sina Senate President Juan Ponce Enrile, Minority Leader Aquilino Pimentel Jr., Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senators Joker Arroyo, Rodolfo Biazon, Alan Peter Cayetano, Ramon Bong Revilla, Gringo Honasan, at Edgardo Angara.
Apat naman ang uupong kahalili o “alternates” na kinabibilangan nina Senators Kiko Pangilinan, Lito Lapid, Jinggoy Estrada at Pia Cayetano.
Ngayong araw inaasahang magtutungo sa House of Representatives ang mga senador para sa pagbubukas ng joint session ng dalawang kapulungan.
Hindi naman naging problema kahapon ng Senado ang quorum dahil nasa 13 senador ang dumalo sa sesyon.
Inaprubahan ng mga senador ang Senate Concurrent Resolution number 15 kung saan nakapaloob ang gagawing joint session ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Ipinaliwanag naman ni Sen.Estrada na mag i-inhibit siya sa pag-upo sa NBOC dahil kumandidato ang kaniyang amang si dating Pangulong Joseph Estrada at ayaw niyang makuwestiyon ang pagiging miyembro ng NBOC.
- Latest
- Trending