Probe sa 'Garci 2' inutos
MANILA, Philippines - Mismong si Comelec Commissioner Nicodemo Ferrer na ang nag-utos sa National Bureau of Investigation (NBI) na agad imbestigahan ang audio tape na tinaguriang “Garci 2” kung saan sinasabing nakikipag-usap umano ang naturang Comelec official sa isang “Sec. Ronaldo Puno.”
Kasabay nito, mariin din namang tinanggi ni Ferrer na boses niya ang maririnig sa nasabing audio tape at wala rin aniyang nangyaring pag-uusap sa pagitan nila ni Puno.
“I will refer the matter to the National Bureau of Investigation to look into the source of this libelous material,” ayon kay Ferrer. “There is no truth to it and the alleged conversation is fabricated. It is not my voice and certainly not my language,” dagdag pa nito.
Inamin din naman ng opisyal na nasasaktan ang kaniyang pamilya sa mga alegasyong umano’y sangkot siya sa pandaraya sa nakalipas na automated elections.
Nagbanta rin ang Comelec official na kakasuhan ang taong nasa likod ng pagsira sa kaniyang pangalan.
Ipinagtanggol na rin ng kaniyang mga kasamahan si Ferrer at sinabing posibleng plano lamang siraan ng ilang indibidwal ang kredibilidad ng poll body dahil sa paglitaw ng naturang audio taped conversation.
Ayon kay Comelec Commissioner Rene Sarmiento, hindi ka-boses ni Ferrer ang umano’y opisyal ng poll body na nasa tape at iginiit na kilala niya ang opisyal dahil sa tagal ng kanilang pinagsamahan.
Naniniwala rin si Sarmiento na ang pagkalat ng audio tape ay isa lamang sa demolition job ng mga indibidwal na nagnanais na siraan ang Comelec, gayundin ang electoral process.
- Latest
- Trending