Natalong presidential bet nasa likod ni 'Robin'

MANILA, Philippines - Isang talunang Presidential candidate umano ang nasa likod ng panggugulo ng lumutang na whistleblower na nagpakilalang si Alyas Robin.

Ito ang paniniwala ni Comelec spokesman James Jimenez batay na rin umano sa impormasyon na kanilang nakalap mula sa inter-agencies na kaalyado ng Comelec sa katatapos lamang na eleksyon.

Sinabi pa ni Jimenez na sa kanyang palagay ay nabayaran lamang si Robin ng nasabing pulitiko para sirain ang kredibilidad ng ginawang kauna-unahang automated election sa bansa.

Sakali anyang mapatunayan na nabayaran si Robin para i-discredit ang eleksyon ay maaari itong mapatawan ng election offense na may parusang anim na taong pagkabilanggo.

Magugunita na iniha­yag ni Robin na nagkaroon ng dayaan sa ginanap na automated election noong May 10 kung saan gumamit sila ng mga pre-shaded ballots pabor sa partikular na kandidato na nais nilang panalunin.

Show comments