Pinoy na nasa death row, ginugulpi ng inmates sa Saudi!
MANILA, Philippines - Isang Pinoy na hinatulan ng bitay sa Saudi Arabia ang umano’y ginugulpi ng mga kapwa preso sa loob ng kulungan sa Riyadh.
Sa sumbong ni Joselito Zapanta, tubong Mexico, Pampanga, madalas umano siyang binubugbog ng mga inmates kaya matindi ang kanyang hirap sa loob ng kulungan.
Hiniling na ni Rosemay Zapanta sa Department of Foreign Affairs na agad tulungan ang kanyang kapatid.
Pinatitingnan na ng DFA sa Embahada ng Pilipinas sa Riyadh at Consulate General ang sitwasyon ni Zapanta sa Malaz Central Jail. Pinatitiyak din ng DFA ang seguridad at kaligtasan ni Zapanta habang naka-apela ang kanyang kaso sa Appellate court.
Si Zapanta ay hinatulan ng bitay noong Abril 13, 2010 ng Saudi Court of First Instance dahil sa umano’y pagnanakaw at pagpatay sa kanyang Sudanese landlord noong Hunyo 2009.
Ang pagpatay ay inamin umano ni Zapanta dahil sa pagtatanggol sa sarili matapos na gulpihin siya ng Sudanese landlord dahil sa hindi pagbabayad ng upa sa tinutuluyang bahay. Matapos na mapatay ay kinuha ni Zapanta ang wallet ng Sudanese at cellular phone nito at saka ibinigay sa kanyang kaibigang Pinay worker na nakulong din dahil sa nasabing kaso subalit nakauwi na sa Manila noong Enero, 2010.
Hiniling na ni Pangulong Gloria Arroyo kay Saudi King Abdullah bin Aziz Al Saud na sagipin ang kanyang kababayang si Zapanta sa anumang pagbitay dito. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending