Ballot boxes pinahakot ni Tinga

MANILA, Philippines - Kahit may Comelec order ay ipinahakot umano ni outgoing Taguig Mayor Freddie Tinga ang mga ballot boxes at inilipat sa unsecured city auditorium mula sa city hall plaza at pinagbawalan pa umano ang mga watchers sa loob ng Auditorium.

Inilipat ng City Treasurer’s office ang mga ballot boxes mula sa plaza ng City Hall na binabantayan ng marami papunta sa City Hall Auditorium na maraming pintuan.

Nabatid na may 370 ballot boxes ang nasa kamay ng City Treasurer. Ilan sa mga ballot boxes na bukas na at wala ng padlock ay ang mga sumusunod: Ballot box 102 (precinct number 0080055), 98 (precinct number 0080051) 99 (precinct number 0080052), 38 (precinct number 0080003), 46 (precinct number 0080011), 51 (precinct number 0080016), 123 (precinct number 0080033), at 53 (precinct number 0080018).

Sinasabing kasaluku­yang “out of town” at hindi umano matawagan ang OIC City Treasurer na si Mrs. Teresita Elias, asawa ni Vice Mayor George Elias, kaya isa umanong consultant ang humaharap sa mga tao at sa Comelec.

Dahil dito, sinabi ni Konsehal Noel Dizon na malaki na ang duda sa integridad ng mga ballot boxes dahil napabayaan itong exposed, walang guwardiya at maaaring pinakialaman na ito.

“Dahil sa paglabag sa Comelec, dapat kasuhan ng Comelec sina outgoing Mayor Freddie at Mrs. Elias. Hindi nila sinusunod ang mga patakaran ng Comelec at sa proteksyon ng balota. Malabo ng gamitin ang mga laman ng ballot boxes na nasa kamay ni dating mayor Tinga. Ika nga, naputikan na kaya madumi na. Hindi namin papayagan na doktorin ng Team Tinga ang resulta ng eleksyon. Si Mayor-elect Lani (Caye­tano) ang bagong halal na Mayor. Natatakot kasi sila na maraming maungkat na mga anomalya na ginawa ng nakaraang administrasyon. Alam nila na walang sasantuhin si Mayor-elect Lani at paglaban sa corruption at good governance ang kanyang plataporma,” ayon kay Dizon na tagapagsalita ng Team Cayetano.

Matatandaang nanalo si Taguig 1st District Congw. Maria Laarni “Lani” Cayetano bilang mayor laban kay former Supreme Court justice Dante Tinga, na ama ni outgoing Taguig Mayor Freddie Tinga.

Show comments