MANILA, Philippines - Tahasang kinondena ni Makati City Rep. Teodoro Locsin ang Malakanyang na anya’y nasa likod ni “Alyas Robin” na binansagan din nitong “Koala Bear,” ang umano’y whistleblower na nagbunyag ng umano’y dayaan sa May 10 automated polls.
“I know who you are. You who are protecting Koala bear. Do not provoke me to name you, you S.O.Bs, that is to say, statement of votes that Congressman [Roilo] Golez suggested I say,” ayon kay Locsin, sa isang pahayag na binasa nito sa pagpapatuloy nang pagdinig kahapon ng Kongreso hinggil sa naturang election fraud.
Kasabay nito, binatikos rin ni Locsin ang Malakanyang dahil sa paghikayat nito sa House Committee on Electoral Reform and Suffrage, na pinamumunuan nito, na itigil na ang pagdinig sa alegasyon ng dayaan ng mga natalong kandidato at hayaan na lamang na ang Commission on Elections ang mag-imbestiga nito.
Tiniyak rin naman ng mambabatas na ipagpapatuloy nila ang pagdinig sa mga reklamo ng dayaan hanggat hindi ito nagkakaroon ng closure ngunit nanindigang hindi didinggin ang mga alegasyon ng whistleblower na si Robin hangga’t hindi ito lumalantad at nagpapakita ng mga ebidensiya sa kaniyang alegasyon.
Iginiit naman ni Locsin na karapat-dapat lamang na dinggin ang reklamo ng poll fraud ng mga kandidato, dahil hindi naman lahat ng complainant ay mga talunan, kundi mayroon din umanong mga nanalo. Nangangahulugan lamang aniya ito na tunay at balido ang kanilang mga reklamo.
Kahapon ay nagpatuloy ang isinasagawang pagdinig ng Kongreso sa election fraud ngunit hindi muna nag-preside dito si Locsin.