MANILA, Philippines - Inilagay ng Bureau of Immigration sa blacklist ang isang Chinese national na sangkot sa illegal recruitment at pagpapadala ng OFWs sa Hongkong.
Sa utos ni BI Commissioner Marcelino Libanan, inilagay sa immigration blacklist si Zhu Zhun Guang, 35, na nagmula sa Fujian, China.
Inilabas ni Libanan ang utos matapos mabatid sa Department of Foreign Affairs ang aktibidad ng illegal recruiter.
Sinabi ni DFA Assistant Secretary Jaime Ledda na illegal na nagre-recruit si Guang ng mga Pilipino para magtrabaho sa Hongkong nang walang tamang documentation.
Ang mga recruit, na pawang mga babae, ay pinadala sa Hongkong nang walang processing at permits mula sa POEA.
Tinatago umano ng agency ni Guang ang pasaporte ng kanyang mga bik tima pagdating sa HK kaya hawak sila sa leeg ng recruiters at employers.
Sa record na nakumpiska sa raid ay nakita ang pangalan ng 100 Pinay na na-recruit at ipinakalat ng agency para magtrabaho bilang domestic helpers sa HK.