MANILA, Philippines - Sa kabila na campaign manager siya ni Manila Mayor Alfredo Lim, ikinagulat ni Deputy Mayor Joey Silva ang umano’y pagpapatanggal ni Louise Behan, hepe ng Manila Information Bureau (MIB) sa kanyang pangalan sa city hall website na umano’y isang pambabastos at pang-iinsulto sa kanyang pagkatao.
Ayon kay Silva, laking gulat niya nang malamang nawala ang kanyang pangalan sa website samantalang sa kanyang website pumapasok ang lahat ng mga reklamo at suhestiyon ng mga residente ng Maynila na nais na masolusyunan ang kanilang problema.
Agad din namang dinipensahan ni Silva si Electronic Data Processing (EDP) chief Gary Tan sa pagsasabing wala itong kinalaman at napag-utusan lamang kaya nagawang tanggalin ang kaniyang pangalan pati posisyon kahit pa nga titular lamang ito at walang official function.
Kasalukuyang nasa bakasyon si Behan kung kaya’t hindi makuha ang panig nito. Walang makitang dahilan si Silva upang tanggalin siya sa listahan ng mga opisyal ng city hall.
Ang Deputy Mayor ng isang lungsod ang siyang kumakatawan sa elected mayor sa mga social functions na tulad din ng isang president sa parliamentary government.